263 KILONG BOTCHA NASABAT SA MAYNILA

BOTCHA-5

KASUNOD nang pinaigting na operasyon upang matiyak ang kalinisan at kaligtasan ng meat products, nasabat ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ang tinatayang 263.3 kilo na pork ribs o hinihinalang botcha sa isinagawang routine inspection sa New Antipolo Market sa Blumentritt.

Ayon kay Dr. Nick Santos, hepe ng Manila Ve­terinary Inspection Board (VIB), ang sunod-sunod na inspeksiyon ng lokal na pamahalaan ay alinsunod sa direktiba ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso upang matiyak na African Swine Fever (ASF) free ang mga karne sa lung-sod.

Dagdag pa niya, ang mga nasabing pork ribs ay may amoy na at may pagbabago ng kulay bukod pa sa hindi maayos na pagkakaimbak.

Paliwanag ni Santos na ito ay malinaw na paglabag sa Republic Act No. 10611 o ang Food Safety Act gayundin sa Republic Act No. 10536 o ang “Meat Inspection Code of the Philippines.”

Ang pagkumpiska sa mga hinihinalang mga “botcha” ay pinangunahan ng Manila VIB at NMIS Enforcement Team.

“The VIB Enforcement Squad Team is intensifying its campaign against unscrupulous individuals who will take ad-vantage of the Christmas Season for their illegal activities, victimizing the consuming public, particularly our Manileñ-os,” ayon kay Santos.   PAUL ROLDAN