27 BRGYs SA PASIG NABIYAYAAN NG DE-KALIDAD NA PTV

SINIMULAN na ng Pasig City local government unit (LGU) ang pamamahagi ng patient transport vehicles (PTVs) sa 27 barangays na magagamit para sa maagap na paghahatid ng mga non-emergent cases na kailangang dalhin sa ospital o sa barangay health centers.

Ito ang ibinida ni Pasig City Mayor Vico Sotto kamakalawa ng umaga na nangunguna ang Pasig sa local government unit (LGU) sa Pilipinas o kahit BFP na gagamit ng de-kalidad na technology sa firetrucks at PTVs.

Kumpiyansa si Mayor Vico sa kalidad na kayang gawin ng kanilang PTVs at talagang madetalye ang loob nito dahil pinag-aaralang mabuti kung ano ang kailangan.

“Ano ba dapat ang nasa terms of reference. Ano yung feedback mula noon, gaya nung sa maintenance ng sasakyan, yung PMS natin. At yung mga bagay katulad ng oxygen concentrator.

Yung mga learning mula sa pandemic at huling mga taon, in-incorporate natin yan. Hindi basta-basta na maisip lang. Hindi nag-iimbento, talagang pinag-aaralan,” ayon sa alkalde.

Naniniwala naman si City Health Officer Dr. Joseph Panaligan na isang mabilis na paraan ang PTV para maagapan ang buhay ng may sakit na tulad ng pananalasa ng corona virus disease o COVID-19 pandemic, at hindi na kailangang gumamit ng ambulansya na nakalaan para sa mas emergency cases. ELMA MORALES