HINDI sasantuhin ang mga korap, ito ang pahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kasunod ng pahayag na iimbestigahan nila ang pagkakasama ng 27 ghost barangays o non-existent barangays sa Maynila, sa listahan ng mga nakatatanggap ng kanilang share ng real property tax.
Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon si DILG Secretary Eduardo Año kaugnay rito. “Wala tayong sasantuhin dito; we just need the information, the data, and we will conduct the investigation.”
Ang babala ng kalihim ay bunsod ng nabunyag na 2017 audit report ng Commission on Audit (COA) makaraang madiskubre na may 27 ‘ghost’ barangays ang tumanggap ng P108.73 milyon halaga ng real property taxes.
Nabatid na isang barangay na tinatawag nilang Barangay 10 ang nakatanggap ng P365,000 sa tax shares.
Ayon sa COA, ang Maynila ay may 896 barangays, subalit ayon sa government auditor ay nadiskubre nila sa city treasurer’s records ng lungsod na 923 barangay ang nakatala.
Una nang inatasan ng COA ang pamahalaang lungsod na imbestigahan ito at kung paanong ang real property tax share ng isa sa mga ghost barangay ay napunta sa isang bangko sa Tayuman area. VERLIN RUIZ
Comments are closed.