NAMAHAGI ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng kabuuang 2,756 titulo ng lupa na may kabuuang 3,532 ektarya sa 2,666 agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa mga lalawigan ng Cotabato at South Cotabato.
Ang ahensiya ay namahagi ng 2,103 titulo ng lupa sa 2,067 ARBs na sumasakop sa 2551.16 ektarya sa South Cotabato, samantalang 653 titulo ng lupa ang ipinamigay sa 599 ARBs, na may 981.11 ektarya sa Cotabato.
Ang kaganapang ito ay naaayon sa mandato ng ahensiya na mamahagi ng certificates of landownership award (CLOAs) sa mga magsasakang walang lupain sa ilalim ng regular na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.
Ang Project SPLIT ay may kaugnayan sa paghahati-hati ng mga lupain at pag-iisyu ng mga indibidwal na titulo sa mga ARB na dati nang ginawaran ng mga lupain sa ilalim ng collective CLOA.
Layunin nito na pahusayin ang seguridad sa pagmamay-ari ng lupa, dagdagan ang produktibidad ng lupa, at palakasin ang mga karapatan ng mga ARB sa pamamagitan ng pinabilis na pagbuo at pamamahagi ng mga titulo sa mga magsasaka.
Sinabi ni DAR Undersecretary for Mindanao Affairs Amihilda
Sangcopan na ang pamamahagi ng mga napakahalagang dokumentong ito ay hindi lamang pagpapakita ng legal na pagkilala sa kanilang karapatan sa lupain kundi pagbubukas din ng mas malawak na oportunidad pang-ekoomiya at kapangyarihang panlipunan.
“Ang repormang agraryo ay hindi nagtatapos sa pamamahagi ng mga titulo ng lupa ngunit sa halip ay ang simula ng pagtiyak ng seguridad sa lupa at pag-access ng mga ARB sa ibat-ibang mga suporta. Sa pamamagitan ng mga titulong ito, binibigyang kapangyarihan ang mga ARB upang gumawa ng mga tamang desisyon sa paggamit ng kanilang lupain, mga gawi sa agrikultura, at mga pamumuhunan sa hinaharap, na magdudulot ng mas maunlad na kabuhayan at pinag-igting na seguridad sa pagkain,” ani Sangcopan.
Aniya, ang pamamahagi ng CLOA at Project SPLIT E-Titles ay hindi lamang pormalidad na kaganapan kundi isang transpormasyon at hakbang tungo sa pagtupad sa pangarap ng mga nakaraang henerasyon at paglalatag ng matatag na pundasyon para sa mga darating pang henerasyon, na nagseseguro ng isang pamana ng kasaganaan at kaunlaran para sa lahat na itinuturing na tahanan ang mga lupaing ito.
Ang okasyon ay dinaluhan din nina Assistant Secretary Vinci Beltran, Director Hamidah Guro, DAR XII officers na pinamumunuan ni Regional Director Mariannie Lauban Baunto, South Cotabato Vice Governor Arturo Pingoy, Surallah Mayor Pedro Matinong Jr. at mga kinatawan mula sa iba’t ibang organisasyon.