278, 850 KILO NG BASURA, NAHARANG NG PRRC MULA SA MANILA BAY

PRRC-6

NAPIGILAN ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang backflow ng 278,850 na kilo ng basura mula sa Manila Bay patungo sa Pasig River.

Sa isang pahayag na inilabas kahapon, sinabi ng PRRC na ang libo-libong kilo ng basura ay nakolekta mula Abril 27 hanggang Mayo 23, 2019.

Nilinaw na PRRC na tuwing panahon ng tag-init, ang antas ng tubig mula sa Laguna de Bay ay nagiging mas mababa sa antas ng high tide sa Manila Bay na nagreresulta naman sa backflow ng seawater at mga basura ng Manila Bay sa Pasig River.

Ayon kay PRRC Executive Director Jose Antonio Goitia, hindi nila hahayaang maapektuhan ng backflow ang umaayos na kalidad ng tubig at Pasig River at Laguna de Bay kaya ginagawa ng ahensiya ang lahat para mapigilan ang mga basura kahit limitado ang kanilang resources.

“We do not want the backflow to affect the water quality improvement so far of the Pasig River and even of Laguna Lake so we are doing our best to intercept the solid wastes given our limited resources,” diin ni Goitia.

Sa ngayon, nagsasagawa ng cleanup operations ang PRRC sa 27 kilometrong kahabaan ng Pasig River gamit lamang ang dalawang trash boats mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Kahapon, nagsagawa ng massive cleanup operations ang PRRC sa mga bahagi ng Manila Bay at Pasig River sa Baseco at Parola sa Maynila.

Comments are closed.