NASA 2,786 trabaho sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa National Capital Region ang maaaring aplayan ng mga naghahanap ng trabaho ngayong buwan ng Setyembre.
Nanawagan ang Civil Service Commission (CSC) sa lahat ng mga naghahanap ng trabaho na lumahok sa gaganaping 2019 Government Job Fair.
Kabilang sa mga pupunang posisyon ang nurses, doctors, revenue at administrative officers, teachers, guidance councilors, lawyers at information technology officers.
Ang Department of Health (DOH), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Bureau of Customs (BOC) ang mga ahensiyang may pinakamaraming bakanteng posisyon.
Nagbukas din ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 330 posisyon na hindi na nangangailangan ng Civil Service Commission (CSC) eligibility tulad ng traffic enforcer at street sweeper.
Sa NCR ay nakatakdang magsagawa ang CSC ng job fair sa Setyembre 24 sa GT-Toyota Asian Center Auditorium sa University of the Philippines-Diliman, Quezon City.
Nasa 14 ahensiya ng gobyerno ang lalahok sa nasabing job fair.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng 2019 Philippine Civil Service Anniversary (PCSA) celebration na may temang “CSC at 119: Upholding Integrity and Building a High-Trust Society”.
Ang CSC central at regional offices ay magsasagawa rin ng online at onsite job fairs sa mga piling lugar.
Kabilang sa mga ahensiya ng gobyerno na sasali sa gaganaping job fair ang BOC, BIR, MMDA, City Government of Malabon, Department of Education NCR, Department of Science and Technology, Department of Trade and Industry, Department of Transportation, Development Bank of the Philippines, National Center for Mental Health, Philippine Air Force, Philippine Deposit Insurance Corporation, Philippine Health Insurance Corporation, Research Institute for Tropical Medicine, Securities and Exchange Commission, at University of the Philippines System. VERLIN RUIZ
Comments are closed.