NASERBISYUHAN ang 281,507 na pasahero sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) noong Lunes, Marso 28, sa unang araw ng libreng sakay.
Pinakamataas ito simula nang magbalik-operasyon ang MRT3 noong Hunyo taong 2020.
Ayon sa pamunuan ng MRT-3, bunsod ito ng ipinatupad na libreng sakay sa tren at pagpapatakbo ng 18 na 3-car CKD train set, dalawang 4-car CKD train set at isang Dalian train set sa mainline.
Sa tulong nito, nasa 18 hanggang 21 ang average train sets na napapatakbo ng MRT-3 sa main line.
Pinataas na rin ang passenger capacity sa bawat tren na kaya nang makapagpasakay ng 1,576 na pasahero kada train set, at 394 na pasahero kada train car.
Tatagal ang libreng sakay sa mga pasahero hanggang April 30, 2022.