NAKAPAGTALA na ang Department of Health (DOH) ng 286 pasyente ng tigdas na namatay dulot ng komplikasyon sa naturang sakit.
Batay sa datos na inilabas ng DOH nitong Miyerkoles, nabatid na ang naturang bilang ng measles death ay kasama sa kabuuang 18,553 kaso ng tigdas na naitala nila mula Enero 1 hanggang Marso 7, 2019 lamang.
Mas mataas anila ang naturang bilang kumpara sa 39 measles death at kabuuang 3,829 kaso ng tigdas, na naitala nila sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
Ayon sa DOH, pinakaapektado ng sakit ay mga batang nasa isang taong gulang hanggang apat na taong gulang.
Pinakamarami namang naitalang biktima ng tigdas sa Calabarzon na nasa 4,087; kasunod ang National Capital Region (NCR) na may 3,850 pasy-ente naman; at ikatlo ang Central Luzon na nakapagtala ng 2,840 kaso ng sakit.
Samantala, sa NCR naitala ang pinakamaraming bilang ng namatay dahil sa sakit na umabot sa 82; sumunod ang Calabarzon na nakapagtala ng 80 measles death, at pangatlo ang Central Luzon na nakapagtala ng 43 patay.
Kaugnay nito, tiniyak ng DOH na patuloy pa rin ang pagsusumikap nila na masugpo ang dumaraming measles cases sa bansa sa pamamagitan nang pagbabakuna sa mga batang nasa hanggang anim na taong gulang lamang. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.