289 MAGSASAKA SA GENSAN AT SARANGANI MABIBIYAYAAN NG LUPAING PANGSAKAHAN

TINATAYANG  umaabot sa 289 na magsasakang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa General Santos City at lalawigan ng Sarangani ang nakatitiyak nang mabibiyayaan ng lupaing pangsakahan sa pamamagitan ng Parcelization of Land Through Individual Titling (SPLIT) Project ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II, Cenon S. Original, CESO VI ipinamahagi ng Disyembre 29,taong 2023 ang pansamantalang e-titles o electronic titles sa mga naturang magsasaka upang sila ay makatiyak na mapapasakanila na ang lupaing kanilang isasaka.

Pinasalamatan naman ni Sarangani Mayor Maria Theresa Constantino ang DAR SPLIT Project sa agarang pagpoproseso ng mga pag-iisyu ng mga naturang titulo para sa mga magsasaka sa kanilang lalawigan.

Ipinaliwanag ni Original na bagamat wala pa sa mga magsasaka ang kanilang mga “hard copy” ng titulo, patunay aniya ang e-titles na kanila na ang mga parsela ng mga lupaing pangsakahan na ipinamamahagi na sa kanila sa pamamagitan ng land reform na programa ng pamahalaan.

Ang naturang mga indibidwal na titulo ng mga lupa ay hinahati hati bilang mga parsela ng lupa mula sa mga una ng naprosesong Certificate of Land Ownership (CLOA) na titulo mula sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng DAR.

“The individual titles will now give the ARBs strong ownership of their lands,”ayon kay Original.

Ang SPLIT project umano ang nagpabilis upang mahati hati sa mga parsela ang mga ipinamamahaging lupaing pangsakahan sa mga naturang ARBs, paliwanag ni Original.

“The SPLIT Project hastens the parcelization or subdivision of lands. It determines the exact metes and bounds of the areas covered,” ayon kay Original.

Umaabot sa kabuuang 290 ang e-titles na naipamahagi ngayong semester na sumasakop sa 529 ektarya ng lupaing pangsakahan mula sa mga bayan ng Alabel 10, Glan 28, Gensan 9, Kiamba 49, Maasim 2, Maitum 11, Malapatan 31, at Malungon 150.

Samantala sa regular na programa ng DAR Sarangani mula Hulyo hanggang Nobyembre ng 2023, umabot sa pangkabuuang 89 titulo ang naipamahagi sa 99 ARBs, na sumasakop sa mahigit 168 ektarya ng lupa.

Matapos ang pamamahagi ng mga titulo, ang mga representative naman ng Land Bank of the Philippines ay nagturo sa mga magsasaka tungkol sa farm productivity loan sa pamamagitan ng programa nitong LBP-AFFORD na may 5 porsiyento lamang na interes kada taon.

Ang mga kawani naman ng DAR Municipal Agrarian Reform at Program Beneficiaries Division Programs ang nagbigay impormasyon sa mga magsasaka tungkol sa crop insurance, RSBA Registration at iba pang ARB Development Sustainability program ng pamahalaan upang matulungan ang mga magsasaka sa kanilang kapasidad na pamahalaan at maging epektibo ang kanilang pagtatanim para sa seguridad ng pagkain sa bansa. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA