NORTH COTABATO – AABOT sa 29 na miyembro ng New People’s Army (NPA) ang sumuko sa militar sa Provincial Peace and Order Council (PPOC) Meeting sa Rooftop Capitol, Brgy. Amas, Kidapawan City, Cotabato kahapon ng umaga.
Ang nasabing rebel-returnee ay nagmula sa mga bayan ng Arakan, President Roxas, Makilala at Kidapawan City.
Ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga nagbalik loob sa pamahalaan ay bahagi ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na nakapaloob sa Executive Order No. 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte o Ending Local Communist Armed Conflict (ELCAC).
Bawat isa ay makatatanggap ng P15k bilang paunang cash assistance at karagdagang P50k para naman sa livelihood assistance.
Hindi pa kasali ang karagdagang firearms renumeration kung saan nakadepende ang halagang matatanggap ng mga ito sa kanilang isinukong armas sa militar.
Sa kabuuan, aabot sa P3.449 million ang inilaan ng gobyerno sa parehong livelihood assistance at firearms renumeration.
Maliban sa mga sumukong New Peoples Army, nakatanggap din ng P21k bilang bonus ng 39th Infantry Battalion sa bayan ng Makilala, 19th IB ng Arakan at 901st Brigade na nakabase naman sa bayan ng Magpet.
Ang nasabing pagpupulong ay pinangunahan nina PPOC Chair at North Cotabato Governor Nancy Catamco, Vice-Chair Lala Taliño-Mendoza at iba pang miyembro nito. MHAR BASCO
Comments are closed.