PORMAL nang nanumpa ang mahigit 200 na dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front (MILF-MNLF) bilang mga bagong miyembro ng Philippine National Police.
Ito ay matapos ang isinagawang oath-taking at turnover of ceremony nitong Miyerkules para sa mga dating miyembro ng naturang mga liberation front at bilang bagong recruit sa PNP na ginanap naman sa Camp Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte sa pangunguna ni Department of the
Interior and Local Government (DILG) Sec. Benjamin Abalos Jr.
Mula sa naturang bilang 255 ang lalaki at 39 ang babaeng dating kaanib ng MILF at MNLF ang nanumpa bilang bagong mga pulis sa ilalim ng recruitment program nito.
Ang kabuuang ang 294 mga bagong pulis ay itatalaga sa Police Regional Office- Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) para punan ang nasa 400 slots na inilaan para sa MILF at MNLF Recruitment Program para sa CY 2023.
Ito ay matapos silang makapasa sa comprehensive medical assessment na kinabibilangan ng psychologic at psychiatric examinations at drug tests.
Ang mga ito ay nakalusot din sa mahigpit na recruitment process ng PNP na kinabibilangan ng special qualifying eligibility examination at physical agility test.
Gayunpaman, isasailalim pa rin ang mga ito sa anim na buwang field training program ng Pambansang Pulisya.
Kaugnay nito, nagpaabot naman ng pagbati si Abalos para sa naturang mga bagong pulis, kasabay ng kanyang hamon sa mga ito na tapusin ang naturang training program at magsilbi rin bilang inspirasyon sa iba pa nilang mga kasamahan sa MILF at MNLF na magbalik-loob sa pamahalaan na bahagi na rin ng pagkamit sa peace at sustainable development.
Matatandaan, ang pagpasok ng mga dating miyembro ng MILF at MNLF sa Pambansang Pulisya ay alinsunod Republic Act No. 11054 o ang Bangsamoro Organic Law matapos na malagdaan sa ilalim naman ng peace agreement ng pamahalaan at ng MILF. EVELYN GARCIA/ VERLIN RUIZ