PUMALO na sa halos 294,000 ang bilang ng mga pasyente na gumaling na mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa case bulletin No. 214 na inisyu ng Department of Health (DOH), nakapagtala pa sila ng karagdagang 579 recoveries hanggang alas4-ng hapon ng Oktubre 14, sanhi upang pumalo na sa 283,860 ang kabuuang bilang ng mga pasyente na gumaling na mula sa virus.
Samantala, nadagdagan ng 1,910 ang newly-confirmed cases ng virus sanhi upang umakyat na sa kabuuang 346,536 ang total COVID-19 cases sa bansa.
“As of 4PM today, October 14, 2020, the Department of Health reports the total number of COVID-19 cases at 346,536, after 1,910 newly-confirmed cases were added to the list of COVID-19 patients,” anang DOH. “DOH likewise announces 579 recoveries. This brings the total number of recoveries to 293,860.”
Ayon sa DOH, sa naturang kabuuang bilang ng mga kaso ng sakit, 46,227 pa ang itinuturing na aktibong kaso, at 84.5% sa mga ito ang mild cases; 10.5% ang asymptomatic; 1.6% ang severe at 3.3% naman ang kritikal.
Pinakamarami pa ring naitalang bagong kaso ng sakit sa National Capital Region (NCR); Cavite na may 219; Batangas na may 104; Rizal na may 91 at Negros Occidental na may 63.
May panibagong 78 pasyente na binawian ng buhay dahil sa virus, sanhi upang umakyat na ngayon sa 6,449 ang COVID-19 death toll sa bansa.
Sa naturang bilang, 64 ang binawian ng buhay ngayong Oktubre; 10 noong Setyembre; isa nong Agosto; isa noong Hulyo at dalawa noong Hunyo.
Ang mga namatay ay mula sa NCR (35 ); Region 4A (12); Region 3 (7); Region 10 (6); Region 6 (5); Region 1 (3); Region 11 (3); BARMM (2); Region 5 (1); Region 7 (1); Region 8 (1); Region 9 (1); at Region 12 (1).
Mayroon namang 87 duplicates na inalis sa listahan ng total case count.
Sa naturang bilang, 85 ang recovered cases at isa ang patay.
Inaasahan namang madaragdagan pa ang naturang bilang dahil 11 laboratoryo pa ang hindi nakapagsumite ng kanilang datos sa COVID-19 Data Repository System (CDRS) ng DOH noong Oktubre 13, 2020.
Samantala, mahigpit ang paalala ni DOH Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire sa publiko na patuloy na istriktong obserbahan ang mga COVID-19 health and safety protocols na ipinatutupad ng pamahalaan, kasunod na rin ng planong luwagan pa ang mga ipinatutupad na community quarantines sa bansa.
Nauna rito, inihayag ng Metro Manila Council (MMC) na ikinokonsidera nilang payagan na ang mga nagkakaedad ng 18-taon hanggang 65 taong gulang na makalabas ng kanilang mga tahanan.
Matatandaang sa kasalukuyan ay ang mga nagkakaedad lamang ng 21 hanggang 60-taong gulang ang pinapayagang makalabas ng kanilang tahanan dahil sa nananatiling banta ng COVID-19.
Ayon kay Vergeire, kung papayagan na ang mas maraming residente sa labas ng bahay ay dapat na tiyakin ng mga ito na may suot silang face masks at face shields sa lahat ng pagkakataon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.