299 PA NAKAREKOBER SA COVID-19

DOH

INIULAT ng Department of Health (DOH) na nakapagtala pa sila kahapon ng 299 pasyente na guma­ling na sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Dahil sa naturang bilang, umaabot na ngayon sa kabuuang 8,442 ang bilang ng mga COVID-19 recoveries na kanilang naitatala.

Base sa case bulletin na inilabas ng DOH, dakong alas-4 ng hapon, umak­yat  naman sa 31,825 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases na naitala sa Filipinas matapos na makapagtala pa ng 1,150 na karagdagan pang kaso kahapon.

Sa mga naturang bilang, 789 ang fresh cases habang 361 naman ang late cases.

Sa mga fresh cases, 207 ang mula sa National Capital Region (NCR), 288 ang mula sa Region 7, at 294 naman ay mula sa iba pang rehiyon.

Sa mga late cases naman, ang 110 ay mula sa NCR, 32 ang mula sa Region 7 at 219 naman sa iba pang lugar.

Nadagdagan rin naman ng siyam ang bilang ng mga naitalang binawian ng buhay dahil sa virus, sanhi upang umabot na ngayon sa 1,186 ang CO­VID-19 death toll sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ