(29th PNP Foundation isinelebra sa CALABARZON) CASCOLAN SA PRO4-A: LOVE THIS ORGANIZATION!

Cascolan

LAGUNA – ISINABAY sa pagdiriwang ng 29th Philippine National Police (PNP) Foundation Day ng Police Regional Office 4A (PRO4A) kahapon sa pamumuno ni Regional Director, BGen. Vicente Danao ang pagbibigay ng parangal sa mga tauhan at opisyal na malaking kontribusyon para sa rescue operations sa mga lumikas sa Batangas at Cavite nang pumutok ang Taal Volcano noong Enero 2.

Naging panauhing pandangal, nagbigay ng mensahe at naggawad ng parangal ang PNP’s Number 2 in command na si Lt. Gen. Camilo Pancratius P. Cascolan, The PNP Deputy Chief for Administration.

Ang selebrasyon ay may temang “Patuloy na Pagbabago Tugon sa Bagong Hamon para sa Mapayapang Pamayanan”.

Sa kanyang mensahe, kaniyang ibinahagi ang tatlong sangay ng school of thought na kanyang natutunan sa kanyang karanasan.

Una aniya rito ay leadership, mentoring at discipline para ma­gampanan ng mga pulis nang tama ang mandato.

“If you lead you should be an example, when you lead, you should be able to mentor your people and teach them the righteous way and when you have led and mentored, you will be able to discipline and likewise be respected and trusted,” bahagi ng talumpati ni Cascolan.

Hinimok din ni Cascolan ang mga opisyal at mga tauhan na naroon na matutunan ang operational procedures sa pagmamaneho sa PNP.

Aniya, hindi maisasagawa ang function o ginagampanan sa adminis­trasyon kung walang alam sa operasyon kaya naman noong siya pa ang Deputy Chief for Operations at Chief ng Directiorial Staff ay kaniyang nilikha ang operational guidelines na Enhanced Managing Police Ope­rations (E-MPO) na itinuring na bibliya sa lahat ng operasyon ng PNP maging ito ay para sa anti-criminality, anti-illegal drug, anti-illegal gambling, anti-terrorism at iba pa.

Kompiyansa naman si Cascolan na sa ngayon ay umaayos na ang PNP kasunod ng pagsunod sa direktiba ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa na dapat magtulungan ang nasa 205,000 strong police men.

“Sabi nga ni Chief (Gamboa) we are Team PNP, we are making good,” ani Cascolan.

Dagdag pa ng heneral, mayroon lamang siyang paalala sa lahat na sana gaya niya na naglilingkod nang nasa 33 taon, mahalin ang organisasyon.

“Sana tandaan na­ting parati na hindi tayo nabubuhay sa sarili kundi para sa pamilya, sa pulisya at sa ating mga kababahayan, magsilbi tayo at huwag umasam kung ano ang ating makukuha sa organisasyon, love this organization,” ayon pa kay Cascolan.

Kaugnay nito, pinagkalooban ni Cascolan at Danao ng Sertipiko ng Pagkilala si Joint Task Force Taal Commander, BGen. Marceliano Teofilo kabilang ang lima pang opisyal makaraan ang maagap na pagtugon ng mga ito sa rescue and relief operations sa libo-libong biktima ng pagputok ng bulkan noong Enero 12. DICK GARAY

Comments are closed.