2K CHECKPOINTS, 14K ARMED PERSONNEL IPINAKALAT SA TOTAL GUN BAN

TINATAYANG aabot sa mahigit 14 libong sundalo at pulis ang nakakalat ngayon sa buong bansa para magmantini sa mga itinatag na Commission on Election checkpoints kasabay sa pagpapairal na total gun ban na si­nimulan kahapon ng hatinggabi.

Sinasabing nasa 2,000 checkpoints na binabantayan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Commission on Elections (Comelec) ang itinatag para sa pagpapatupad sa COMELEC Resolution 10728 na nagbabawal sa pagdadala at pagbibiyahe ng baril at iba pang mga nakamamatay na sandata mula Enero 9 hanggang Hunyo 8.

Ayon kay PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, sa ilalim ng nasabing resolusyon ay pansamantalang sinuspinde ang lahat ng permits to carry na inisyu sa licensed firearm holders, juridical entities at maging ang kasapi ng government law enforcement agencies.

Nilinaw ni Carlos na tanging mga kasapi lamang ng PNP, AFP at ibang law enforcement agencies on duty ang pinapayagan na magdala ng sandata.

Subalit, kailangan muna nilang kumuha ng authorization mula sa Comelec at kailangan ding magsuot ng agency-prescribed uniform habang naka-duty sa election period.

Ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major General Vicente Danao Jr. na lahat ng klaseng baril na mayroong license at permit to carry ay hindi na dapat ilabas sa bahay bilang pagsunod sa kautusan ng Comelec.

Kaya’t mahigpit ang bilin ni Danao sa personnel ng law enforcement agencies na gumamit ng tamang uniporme para maiwasan ang anumang gulo.

Maliban dito, sa anumang oras ay magche-check din ang PNP ng vaccination cards sa mga lalabas sa kanilang mga bahay.

Sinabi naman ni CALABARZON Director Brig. Gen. Eliseo Cruz na bukod sa gun ban tutulong din ang mga uniformed personnel na nagbabantay sa mga checkpoint para sa pagpapatupad ng COVID-19 health protocols. VERLIN RUIZ