INAPRUBAHAN na ni Environment Secretary Roy Cimatu ang pagkuha ng mahigit 2,000 estero rangers na tutulong sa local government units (LGUs) sa pagbabantay sa loob at paligid ng Manila Bay laban sa walang humpay na pagtatapon ng basura.
Ipinahayag ito ni Cimatu sa isang pagpupulong, kasama ang senior officials ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na itinalaga niya bilang ‘river commanders’ na siyang mamamahala sa mga gawain alinsunod sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
“We would like to impress upon the public that we really need to overhaul the disposal system in Metro Manila, make it efficient and for the public to stop dumping trash into our waterways,” sabi ni Cimatu na siyang pinuno ng Manila Bay Inter-Agency Task Force.
Ayon sa DENR chief, tig-dadalawang estero rangers ang itatalaga sa 711 barangays na may eskinita na malapit sa mga estero na ‘di nararating ng mga trak ng basura. Ang naturang eskinita ay karaniwang tinitirhan ng informal settler families.
Ang estero rangers ay inendoso ng mga opisyal ng mga barangay sa koordinasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at pormal na itatalaga sa November 15.
Nabatid na hindi bababa sa 203 creeks at daluyan ng tubig o waterways na dumadaloy sa 711 barangays ang seserbisyuhan ng mga estero ranger. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.