MAHIGIT 2,000 kababaihan sa Pilipinas ang naitalang nasawi dahil sa panganganak noong 2021.
Inihayag ng United Nations Population Fund-Philippines na nasa anim hanggang pitong babaeng Pilipino ang namamatay kada araw dahil sa kanilang panganganak bunsod ng ilang kadahilanan.
Ayon kay Dr. Leila Saiji Joudane, country representative ng UNFPA-Philippines, kabuuang 2,478 na babae sa bansa ang nasawi sa nasabing taon kumpara sa 1,458 na naitala noong 2019 habang nasa dalawang babae naman ang namamatay sa panganganak kada dalawang minuto sa buong mundo.
Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng maternal deaths, ang komplikasyon sa panganganak, childbirth at puerperium, eclampsia, pre-eclampsia at hemorrhage.
Binigyang diin naman ni Joudane, na maaaring maiwasan ang mga naturang sakit kung mayroong access ang Pilipinas sa proper medical interventions at sapat na healthcare systems na resilient sa gitna ng emergency. DWIZ882