2K TONDO BOYS IPINAIN SA MARAHAS NA DEMOLISYON

PINANINIWALAANG inilihim ng mga awtoridad sa mga mamamahayag ang pagre-recruit ng 2K kalalakihan muna sa iba’t ibang lugar sa Tondo, Manila para gamitin sa naganap na marahas na demolition sa Patungan beach, Brgy. Sta. Mercedes, bayan ng Maragondon, Cavite nitong Huwebes ng umaga.

Base sa nakalap na impormasyon at panayam ng Pilipino Mirror sa mga na-recruit na Tondo boys, pinangakuang babayaran ng P650 kada isa sa trabahong may mga housing renovation sa nasabing lugar dahil gagawing eco-tourism area.

Pumayag ang 2K Tondo boys sa pakikipag-ugnayan ng kani-kanilang lider kung saan madaling araw pa lang ay nagtungo na sila sa Cavite kung saan isinakay sa kulay asul na 33 tourist bus patungong malawak na pribadong beach resort upang magpahinga pansamantala.

Sa panayam ng Pilipino Mirror sa ilang staff ng pribadong beach, aabot sa 1,333 Tondo boys na lulan ng tourist bus ang pansamantalang namahinga habang ang iba pang Tondo boys ay nasa ibang lugar kung saan naghihintay ng command order ng mga awtoridad.

Pagsapit ng 2K Tondo boys sa sinasabing housing renovation ay bumulaga sa kanila ang hindi mabilang na unipormado at armadong Cavite police at iba pang ahensiya ng law enforcement agency kung saan sinabihan silang may gagawing demolition laban sa 400 kabahayan sa sinasabing nakatayo sa 5 ektaryang lupain sa Patungan beach resort.

Dito na nagsimula ang kaguluhan nang tangkain ng Tondo boys na gibain ang ilang kabahayan kung saan sinalubong sila ng libu-libong residente na may hawak na bato at iba’t ibang uri ng pamalong bakal.

Samantala, lahat nang pumapasok na sasakyan ng media at ibang residente na may kabahayan sa Patungan beach patungo sa nasabing lugar ay pinagbawalan ng mga armadong pulis sa itinayong PNP checkpoint habang ang mga residente na kumukuha ng video mula sa kanilang cellphone ay pinagkukumpiska ng mga pulis subalit may palihim na nakapag-video at nai-post sa social media ang marahas na demolition.

Hindi nakapasok ang mga awtoridad sa kaloob-looban ng Patungan beach at hindi naituloy pa ang marahas na demolition dahil karamihang Tondo boys na nasugatan ang umatras at naglakad sa kahabaan ng highway na may ilang kilometro ang layo patungo sa nakaparadang mga tourist bus.

Karamihan sa Tondo boys ay may mga bandage sa ulo at kamay tanda na sugatan at nakapanayam ng Pilipino Mirror ang Ilan Dito na sinasabing hindi nila akalain na demolition job pala yung kanilang trabaho at hindi housing renovation. MHAR BASCO