NAKAPAGTALA na ang Commission on Elections ng mahigit sa dalawang milyong aplikasyon sa unang buwan lamang ng voter registration na isinasagawa nila para sa National and Local Elections (NLE), na idaraos sa Mayo 13, 2018.
Sa datos ng Election and Barangay Affairs Department (EBAD) na inilabas ng poll body, mula Hulyo 2, 2018 hanggang Hulyo 28, 2018 lamang ay umaabot na sa kabuuang 2,297,606 aplikasyon ang kanilang natanggap.
Sa naturang bilang, 1,037,265 ang mga lalaki habang 1,260,341 naman ang mga babae.
Ang mga aplikasyon para sa bagong registration ay umabot sa 1,054,067 habang ang aplikasyon sa transfer ng registration ay nasa 895,246.
Ang aplikasyon para sa reactivation ng rehistro ay nasa 179,254, nasa 168,326 naman ang nag-aplay para sa change/correction of entries; 441 para sa inclusion ng rekord sa book of voters at 272 ang reinstatement ng pangalan sa list of voters.
Ang Region IV-A ang may pinakamaraming natanggap na aplikasyon na umabot sa 372,834, pumangalawa ang Region III na may 260,712, at pangatlo ang National Capital Region na may 255,796.
“One factor of the upsurve in submissions is the influx of applicants intending to have their registration records transferred, since applications for transfers were not allowed in the previous rounds of voter registration ahead of the 2018 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections,” ani Comelec Spokesperson James Jimenez.
Nagsasagawa rin sila ng satellite registration activites sa buong bansa, tulad ng barangay halls, public at private schools, commercial establishments, detention center/jail o resettlement areas, areas na may indigenous community, at iba pang pampublikong lugar upang matiyak na mas maraming botante ang makalalahok sa eleksiyon.
Ang voters registration na sinimulan noong Hulyo 2, ay nakatakdang magtapos sa Setyembre 29, 2018. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.