2M DOSES NG ASTRAZENECA COVID-19 VACCINE, DUMATING NA

NASA bansa na ang mahigit dalawang milyong doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine mula sa COVAX facility, ang international partnership na itinatag upang matiyak ang patas na distribusyon o pamamahagi ng COVID-19 vaccines sa buong mundo.

Sa joint press statement ng Department of Health (DOH), World Health Organization (WHO) at United Nations Children’s Fund (UNICEF), nabatid na ang naturang shipment na dumating nitong Sabado, ay karagdagan sa kalahating milyong doses ng AstraZeneca na unang idineliber noong Marso, at bahagi ng 4.5 milyong total doses na ipinangako ng COVAX sa Pilipinas.

Kaugnay nito, pinayuhan naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga mamamayan na ngayong may bagong suplay ng AstraZeneca vaccine ay magpaturok na sila ng second dose ng bakuna.

“Now that these 2 million vaccine doses have arrived, we urge our kababayans to get their second dose of AstraZeneca vaccines. If you are already in the priority group but have not yet registered with your LGU, please contact your LGU or barangay to get vaccinated. Vaccination is our additional armament against the severe form of COVID-19 and will help decrease hospitalizations. Sa tulong ng mga bakuna, mapoprotektahan nito ang ating mga sarili at ang ating mga mahal sa buhay laban sa malalang uri ng COVID-19,” ani Duque.

Ayon naman kay WHO Representative to the Philippines, Dr. Rabindra Abeyasinghe, “Each shipment of vaccines from the COVAX Facility brings us one step closer to ensuring the equitable distribution of COVID-19 vaccines around the world and Health for All in the Philippines.”

Paalala pa niya, kahit bakunado na ay mahalaga pa ring maging maingat at tumalima sa minimum health protocols, kabilang ang social distancing, pagsusuot ng face masks, madalas na paghuhugas ng kamay, at pag-iwas sa matataong lugar upang tuluyan nang matuldukan ang pagkalat ng COVID-19.

Nabatid na simula nang dumating ang unang shipment ng mga bakuna mula sa COVAX Facility noong Marso, mahigit dalawang milyong doses na ng COVID-19 vaccines ang nai-administer sa Filipinas.

Mahigit 300,000 Pinoy na rin na nasa priority groups ang nakatanggap na ng dalawang dose ng bakuna at ngayon ay fully vaccinated na laban sa COVID-19.

Halos 100% naman ng AstraZeneca vaccines na naideliber noong Marso ay naipadala na sa local government units (LGUs).

Hanggang nitong Mayo 2, 2021, mula sa 525,600 doses ng naturang bakuna ay 525,337 na ang nai-administer sa mga health workers, matatanda, at mga persons with underlying health conditions.

Ang naturang bagong shipment naman ng AstraZeneca ay ipagkakaloob ng pamahalaan para sa mga indibidwal na nabakunahan ng first dose, ngunit hindi pa nabibigyan ng kanilang second dose, gayundin sa iba pang target populations. Ana Rosario Hernandez

7 thoughts on “2M DOSES NG ASTRAZENECA COVID-19 VACCINE, DUMATING NA”

Comments are closed.