2M RESERVISTS DAGDAG SA AFP RESERVE FORCE

HUMIGIT kumulang na sa 2 million reservists ang madaragdag sa reserve force ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kada taon sa oras na be maging mandatoryo na muli ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).

Sinabi ni Major General Joel Alejandro Nacnac, Deputy Chief of Staff for Reservists and Retiree Affairs ng AFP ang naturang pahayag kasabay ng pagmarka ng National Reservists Week.
Ayon pa sa opisyal, ang mga tinatayang bilang ng servicemen mula sa ROTC ay ibibilang na standby reserve.

Ang standby reserve ay pinapakilos lamang sa panahon ng national emergency o giyera.

Iba ito sa tinatawag na “ready reservists” na maaaring ipatawag sa anumang oras bilang augmentation sa regular forces.

Sa datos noong Hunyo ng kasalukuyang taon, nasa 1.2 million ang miyembro ng AFP reserve force.

Ang mga ito ay binubuo ng 71,000 ready reservists, mahigit sa 15,000 affiliated units mula sa ibang mga organisasyon at institution at 1.1 milyong standby reservists.

Karamihan sa reservists ay mula sa Philippine Army.

Sa kasalukuyan, nakatakdang pag-usapan sa plenaryo sa Senado ang nasabing panukala para sa pagbabalik ng mandatoryong ROTC na kapwa suportado nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni Vice President Sara Duterte.
EVELYN GARCIA