POSITIBO ang Commission on Elections (Comelec) na magiging maayos ang gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa taong 2020 dahil inaasahan nito na aabot sa 1.5 hanggang 2 milyon ang registered voters.
Sa panayam kay Comelec Spokesperson James Jimenez sa ginanap na Stakeholders Appreciation Night, sinabi nito na natutuwa siya dahil sa unang dalawang linggo ng registration ay pumalo na sa mahigit 3,000 ang nakapagparehistro para sa nasabing halalan.
Ayon pa kay Jimenez, inaasahan nitong tuloy-tuloy ang trend ng nagpaparehistro kaya naman naglagay sila ng mga satellite registration sa mga mall sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila upang mabawasan ang pagdagsa o bulto ng magpaparehistro sa Comelec offices.
Sinabi pa ng poll chief na ang inilabas na calendar ay bilang paghahanda lamang sakaling hindi pa madesisyunan ang kanselasyon ng nasabing halalan. Ang registration para sa 2020 Barangay at SK elections ay sinimulan noong Agosto 1 hanggang Setyembre 30, 2019. PAUL ROLDAN