MAHIGIT sa dalawang milyong manggagawa mula sa 96,600 establisimiyento ang kasalukuyang nasa floating status dulot ng COVID-19 pandemic, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DOLE Undersecretary Benjo Benavidez na ang mga apektadong manggagawa ay nasa ilalim ng forced leave o ang kanilang kompanya ay pansamantalang nagsara.
“Dahil po doon, sila pong mga manggagawa ay naka-floating status,” aniya.
“Kung ito po ay lumampas po sa anim na buwan, kailangan na po silang ibalik ng kanilang mga kompanya; kung hindi naman po kaya ng mga kompanya na sila ay maibalik pa, sila po ay kailangan nang i-retrench at bigyan po ng tinatawag po nating separation pay,” sabi pa niya.
Ang separation pay ay katumbas ng half-month pay para sa bawat taon ng serbisyo.
“For example, if the worker is getting PHP30,000 a month, half of it is PHP15,000, if he worked for 10 years, so 15,000 x 10 that is the amount the retrenched employee will be getting,” ani Benavidez.
Gayunman, sinabi ni Benavidez na itsi-check nila ang numero dahil maraming kompanya ang pinayagan nang muling mag-operate noong Nobyembre at Disyembre makaraang luwagan ng pamahalaan ang restrictions para muling buksan ang ekonomiya na naapektuhan ng COVID-19.
“We expect that many workers under floating status have been notified to report back to work. There has been increase in operation capacity of businesses…so we are hoping that those who were in floating status have reported back to their jobs,” aniya. PNA
Comments are closed.