2ND DOSE NG BAKUNA SA KABATAAN SINIMULAN NA

SINIMULAN na ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ang pagtuturok ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccines sa mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 na napapabilang sa A3 general pediatric group na ibinase sa klasipikasyon ng Department of Health (DOH).

Base sa report ng Muntinlupa City COVID-19 Vaccination Program (MunCoVac) ng Nobyembre 16, umabot sa 13,790 kabataan ang naturukan na ng unang dose ng vaccine o katumbas ng 25 porsiyento ng bilang ng populasyon ng mga kabataan sa lungsod na 55,391.

Sa 13,790 menor de edad, ang 199 sa mga ito ay nakatanggap na ng kanilang ikalawang dose o mga fully vaccinated na kung kaya’t ang kabuuang vaccine na nagamit para sa mga kabataan ay nasa 13,989 doses ng vaccine.

Matatandaan na sinimulan ng lokal na pamahalaan ang pagbabakuna sa mga menor de edad noong Oktubre 25 gamit ang Pfizer-BioNTech vaccine.

Ayon naman sa Emergency Use Authorization (EUA) na inisyu ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) para sa Pfizer-BioNTech vaccine ang ikalawang dose ng nabanggit na bakuna ay maaaring iturok muli sa isang indibidwal makaraan ang tatlong linggo.

Inaprubahan din ng FDA ang paggamit ng Moderna vaccine para sa mga kabataan mula 12 taong gulang pataas at ang ikalawang dose nito ay maaari muling iturok makalipas ng 28 araw.

Napag-alaman din sa MunCoVac na nasa 30,277 menor de edad ang nakapagparehistro na sa kanila para sa pagbibigay ng kanilang baksinasyon kontra COVID-19 o 55 porsiyento ng populasyon ng mga kabataan sa lungsod.

Sa kabuuang bilang ng mga nagparehistrong kabataan ay 7.5 porsiyento nito o 2,279 ang may comorbidities habang 27,998 o 92.5 porsiyento naman ang mga nasa maayos na kalusugan o walang comorbidities.

Ang mga menor de edad na may comorbidities ay binabakunahan lamang sa Ospital ng Muntinlupa samantalang ang mga kabataan naman na mga walang comorbidities ay puwedeng magpabakuna sa mga vaccination sites sa SM Center Muntinlupa, Ayala Malls South Park, New Cupang Health Center at Sucat covered court. MARIVIC FERNANDEZ