MULING nanawagan ngayon ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa sambayanang Pilipino na makiisa sa gaganaping 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) bukas ng umaga.
Sa pangunguna ng NDRRMC at Office of Civil Defense (OCD), isasagawa ang programang online NSED sa ganap na alas-8 ng umaga at live na mapapanood sa NDRRMC at Civil Defense PH Facebook pages.
Nakatakdang magbigay ng mensahe sina Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana; Department of Labor and Employment Sec. Silvestro Bello; Department of Human Settlements and Urban Development Sec. Eduardo Del Rosario; Department of Interior and Local Government Sec. Eduardo Año; Department of Social Welfare and Development Sec. Rolando Joselito Bautista; Department of Science and Technology Undersecretary Renato Solidum Jr.; Civil Defense Administrator and NDRRMC Executive Director Usec. Ricardo Jalad; Civil Defense Deputy Administrator and Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV at Trade Union Congress of the Philippines President Raymond Democrito Mendoza.
Kaugnay ng 2nd Quarter NSED, nagsagawa ang OCD ng webinar on “DRRM Across Sectors: Navigating Resilience in Migrant Work, Urban Settlements and the Informal Working Environment” nitong Lunes ng umaga.
At kahapon, online functional exercise naman ang isinasagawa ng Cagayan RDRRMC at Provincial DRRMC ng Tuguegarao para sa kanilang kahandaan laban sa lindol.
Patuloy ang panawagan sa lahat na maging handa anumang oras at makiisa sa mga programa at gawain na may layuning palakasin ang kahandaan ng bawat mamamayan at pamilya mula sa banta ng lindol at iba pang panganib.
Una nang nagsagawa ang Office of Civil Defense (OCD) ng isang webinar tungkol naman sa mga Migrant Work, Urban Settlements at Informal Working Environment. VERLIN RUIZ