BULACAN- ISANG 80-anyos ang binawian ng buhay habang 53 ang sugatan nang biglang bumagsak ang choir loft na nasa ikalawang palapag ng simbahan ng Parokya ni San Pedro sa Brgy. Tungkong Mangga sa siyudad ng San Jose del Monte kahapon ng umaga sa lalawigang ito.
Sa inisyal na report ni Gina Ayson ng City Disaster Risk Reduction and Management Office(CDRRMO), biglang gumuho ang kanang bahagi ng simbahan kung saan matinding napuruhan ng pagbagsak ng mga kahoy ang isang lola na deboto ni Saint Peter na namatay habang ginagamot sa hospital.
Nabatid na nasa kasagsagan ng misa at pagpapahid ng abo ng bumagsak ang maliit na bahagi sa ikalawang palapag ng lumang simbahan na yari sa kahoy.
Agad dinala sa limang pagamutan ang mga deboto na nagtamo ng minor injuries na pinauwi rin matapos na gamutin.
Samantala, inihayag ngayon ng Engineering Department ng CSJDM na hindi na muna gagamitin ang simbahan sa iba pang aktibidad, base na rin sa direktiba ni City Mayor Arthur Robes kasunod ng pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga nasugatan.
THONY ARCENAL