(2nd modus operandi ng sindikato) P21-M PANG SMUGGLED AGRI PRODUCTS NASAMSAM

MISAMIS ORIENTAL- NAPURNADA na naman ang ikawalang modus operandi ng smuggling syndicates makaraang masabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs Port of Cagayan de Oro ang P21milyong halaga na smuggled agricultural products sa Mindanao Container Terminal Port, PHIVIDEC Compound sa bayan ng Tagoloan sa lalawigang ito kahapon.

Nabatid na pinigil ng BOC ang 7 containers na naglalaman ng smuggled agri products base sa ulat ng intelligence kaya nag-isyu ng Pre-Lodgement Control Orders (PLCOs) si District Collector Atty. Elvira Cruz para isailalim sa masusing examination.

Ang physical examinations ng Customs examiners ay sinaksihan nina Elizabeth Delas Llagas, deputy collector for operations; Atty. Roswald Joseph Pague, deputy collector for administration; Oliver Valiente, chief, CIIS; Pangandaman Casan, chief assessment, MCT; Melchor Rabo, asst. chief of assessment, MCT; SA1 Jay Jernalim, ESS-CDO together with Manuel Barradas, Bureau of Plant Industry, Agent Michael Balbastro, PDEA at ni James Kuan, CCBI.

Napag-alaman na ang tatlong containers ay naka- consigned sa Frankie Trading Enterprises na idineklarang “Yung Butter/Dairy Spreads” habang ang apat na containers naman ay naka-consigned sa Primex Export and Import Producer na “Spring Roll Patti”.

Base sa physical examination ay tone-toneladang red at white onions ang cargo na may value na P 21,000,000.00 kaya nag-isyu ng Warrants of Seizure and Detention (WSDs) laban nasabing shipments sa paglabag sa Section 117 at Section 1400 ng RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).

Pinuri naman ni Atty. Elvira Cruz ang personnel ng Port of Cagayan de Oro sa patuloy na paglaban sa smuggling operations ng sindikato at protecting the borders of Northern Mindanao. MHAR BASCO