KINUHA ng Vietnam ang solo second sa Pool A kasunod ng 25-17, 25-14 pagwalis sa Iran sa AVC Cup for Women nitong Martes sa Philsports Arena.
Umiskor si Tran Thi Thanh Thuy ng 7 points sa bawat set upang tumapos na may 21 points, habang nag-ambag si Nguyen Thi Trinh ng 9 points para sa Vietnamese.
Patuloy sa pagbangon mula sa five-set loss sa five-time winners China noong Sabado, ang Vietnam ay nangailangan lamang ng isang oras at 22 minuto upang umangat sa 2-1 sa Pool A.
Nahulog ang Iranians sa 1-1 sa third place sa group.
Kumana si Mahsa Kadkhoda ng 10 kills, habang nagdagdag si Maedeh Borhani Esfahani ng 6 points para sa Iran, na nabigong sundan ang straight-set win laban sa South Korea noong Lunes.
Tatapusin ng Vietnamese ang kanilang Pool A assignments laban sa wala pang panalong Koreans sa Miyerkoles, ala-1 ng hapon.
Sa parehong araw ay makakasagupa ng Iran ang Pilipinas sa alas-7 ng gabi.
Samantala, humabol ang Chinese-Taipei mula sa 1-2 set deficit upang gapiin ang Australia, 23-25, 25-22, 25-27, 25-21, 15-6.
Nakalikom si Kan Ko-Hui ng 16 points, habang nagdagdag si Chang Li-Wen ng 15 points para sa Taiwanese, na umangat sa 1-1 sa Pool B.