2ND TRANCHE NG P1K CASH AID MATATANGGAP NA NG 607K FAMILIES SA MAYNILA

SIMULA ngayong linggo ay matatanggap na ng may 607,000 pamilya sa Maynila ang second tranche ng  P1,000 cash aid mula sa  City Amelioration Crisis Assistance Fund.

Ayon sa Facebook post ng Manila Public Information Office, inanunsiyo ni Manila Mayor Isko Moreno noong Linggo na inaprubahan na noong nakaraang linggo ang ordinansa para sa second tranche ng P1,000 cash assistance para sa mga residente ng lungsod.

“Ito naman po ang aasahan ninyong ayuda sa darating na dalawang linggo ng buhay natin ngayong Mayo. Naaprubahan na po last week ang second tranche ng CACAF. Tayo po ay muling magbibigay sa inyo mga kababayan ng P1,000 per family sa targeted 607,000 families sa Lungsod ng Maynila,” wika ni Domagoso sa Facebook Live.

“Iyan po ay mararamdaman ninyo na this coming week. We will give that immediately. In our own little way, mga kababayan, in our own little way, maibsan man lang namin yung mga pangangailangan niyo sa buhay,” dagdag pa ng alkalde.

Bukod dito, sinabi ni Moreno na makatatanggap na rin ang may 275,000 public school students sa Maynila na nasa Kinder hanggang Grade 12 ng food packs at hygiene kits ngayong buwan.

Noong Abril ay nasa  568,000 pamilya sa lungsod ang tumanggap ng first tranche ng P1,000 financial assistance upang mapagaan ang paghihirap na kanilang nararanasan mula sa enhanced community quarantine.

Comments are closed.