INIHAYAG kahapon ng Department of Health (DOH) na hindi pa nararanasan ng Filipinas ang ‘second wave’ ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y sa kabila nang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng sakit na naitatala sa bansa.
“As to the 2nd wave nag-aaral tayo pero wala pa tayong dine-declare na ganito. At hindi pa natin nakikita ‘yan na mayroon tayong ganyan,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa ginanap na press briefing.
Gayunpaman, sinabi nito na patuloy pa rin ang pag-akyat ng mga numero ng mga nahahawa ng virus lalo na sa National Capital Region (NCR) ay kasunod nang pagluwag sa mga protocols upang mabuksan din ang ekonomiya ng bansa.
Kaugnay nito, sinabi naman ni University of the Philippines professor Ranjit Rye, miyembro ng UP OCTA Research Group na kailangan munang mapababa o ma-flatten ang kaso ng COVID-19 sa bansa o matapos ang unang wave bago magkaroon ng second wave.
Aniya, sa ngayon ay hindi pa umano ito nangyayari sa Filipinas.
Matatandaang noong Mayo, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang Filipinas ay nasa second wave na ng COVID-19 dahil sa ikinonsidera nila na 1st wave ang unang tatlong dayuhang Tsino na dinapuan ng virus noong Marso.
Kaagad namang binawi ng DOH ang naturang pahayag ni Duque. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.