NAITULAK ng Philippine chess team ang ikalawang panalo sa pagpapatuloy ng FIDE Chess Olympiad for People with Disabilities matapos makaungos sa Czech Republic nitong Martes sa Belgrade’s Crown Plaza Hotel sa Belgrade, Serbia.
“We won vs Czech Republic 2.5-1.5. Another blessing for Philippines,” sabi ni PH chess team coach National Master James Infiesto.
Nagpatuloy ang magandang laro ni Fide Master Sander Severino para pangunahan ang national sa 2.5-1.5 tagumpay kontra Czech Republic.
Si Severino na tubong Silay City, Negros Occidental ay giniba si International Master Milan Orsag matapos ang 38 moves ng Queen’s Pawn Game sa board one para ihatid ang PH chess sa panalo.
“Important win today against a fantastic team. Nothing comes the easy way.” sabi ni Severino, ang 2018 International Physically Disabled Chess Association (IPCA) World Online Chess Rapid Champion.
Tabla naman ang naiambag nina National Master Henry Roger Lopez, National Master Darry Bernardo at Cheyzer Crystal Mendoza kontra Czech counterparts.
Nakihati ng puntos si Lopez kay International Master Milan Babula matapos ang 33 moves ng Ruy Lopez Opening sa board two, tabla rin si Bernardo kay Fide Master Vit Vaclav Valenta matapos ang 45 moves ng King’s Pawn Opening sa board three, tabla si Mendoza kontra Woman Fide Master Anna Ryvova matapos ang 43 moves ng Sicilian Defense sa board four.
Susunod na makakalaban ng Philippines ang Serbia 2 na binubuo nina Mile Bjelanovic, Stefa Mitrovic, Luka Bulatovic at Vladan Petrovic.
Una munang dinaig ng PH team ang Uzbekistan, 3.5-0.5, sa opening round nitong Lunes.
Nasa winning column din ang India, FIDE, Israel at Poland.
MARLON BERNARDINO