PINAPURIHAN nina National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. at Interior Secretary Eduardo Año ang Commission on Elections (COMELEC) at ang mga ahensiya na nagbigay ng seguridad para sa halalan kabilang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG) at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ayon kay Esperon naging efficient ang sistema sa automated election system at naging napakabilis ang transmission at paglalabas ng resulta ng local elections.
Nilinaw din ni Esperon na maliit na porsyento lamang o wala pa sa 1% sa kabuuang bilang ng VCMs na nagkaroon ng aberya na ginamit sa kasagsagan ng political exercise.
Kaugnay nito, ibinulgar din ng NSA na magkaroon ng libu-libong attempts para i-hack ang sistema subalit hindi nagtagumpay ang mga ito.
Ani Esperon, napigilan ng pamahalaan ang nasa mahigit 20,000 pagtatangka na i-hack ang automated system bago at sa kasagsagan ng May 2022 national at local elections sa bansa.
Kaugnay nito, sinabi nina Esperon at Año na maituturing pa rin generally peaceful ang nagdaang eleksyon 2022.
Ani Año, kakaunti lamang ang naitalang election related incidents nitong 2022 elections kumpara noong 2010 at 2016 elections.
Sinabi nito, 27 ang naitalang insidente sa mismong araw ng halalan nitong May 9 na nagresulta sa pitong nasawi at 33 nasaktan.
Sa nabanggit na numero, 16 lamang ang kumpirmadong election related incidents base na rin sa validation & assessment ng mga awtoridad.
Sinabi ng kalihim na sa 27 insidente noong halalan, 11 ang shooting incidents na nangyari sa Albay, Negros Oriental, Cotabato; tatlo sa Maguindanao; apat sa Lanao del sur; tig-isa sa Basilan at Zamboanga del Norte.
Mayroon ding tatlong grenade explosions ang naitala sa Cotabato at dalawa sa Maguindanao habang nagkaroon din ng dalawang insidente ng ballot snatching sa Lanao del Sur at Basilan.
Nakapagtala rin ng komosyon sa Maguindanao, Camarines Sur, Lanao at Tawi-Tawi.
At nagkaroon din ng pagpasok sa presinto o physical assault sa Batangas, Maguindanao at Abra, dalawang insidente ng strafing sa Basilan at pagsira sa vote counting machines sa Lanao del sur.
VERLIN RUIZ/ EVELYN GARCIA