Mga laro ngayon:
(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. – TNT vs Meralco
7 p.m. – Rain or Shine vs Blackwater
PUNTIRYA ng Rain or Shine ang ikatlong sunod na panalo at somosyo sa liderato sa walang larong Phoenix sa pagsagupa sa wala pang panalong Blackwater sa pagpapatuloy ng PBA Philippine Cup ngayon sa Cuneta Astrodome.
Mataas ang morale matapos ang panalo sa NLEX at Barangay Ginebra sa kanilang unang dalawang laro, haharapin ng Elasto Painters ang Elite sa alas-7 ng gabi makaraan ang duelo ng Meralco at Talk ‘N Text sa alas-4:30 ng hapon.
Nag-ensayo nang husto ang Elasto Painters para sa kanilang laro kontra Elite para mapantayan ang 3-0 record ng Fuel Masters na maagang buman-dera matapos na gapiin ang Meralco, TNT at giant killer Columbian Dyip.
Tiyak na sasamantalahin ng Elasto Painters ang momentum matapos ang unang dalawang panalo upang ipalasap sa Elite ang ikatlong kabiguan.
Sa kabila na liyamado ay ayaw magkumpiyansa ni Rain or Shine coach Caloy Garcia at pinaalalahanan ang kanyang tropa na magpokus sa laro para mapanatili ang walang mantsang marka at mapalakas ang title campaign.
“I always maintain my philosophy never underestimate a team no matter how weak it is and always play hard and above board to ensure victory and avoid getting humiliated. I instructed them to stay focused and play offensively and defensively,” sabi ni Garcia.
Sasandal si Garcia sa kanyang top gunners na sina Gabe Norwood, Maverick Ahanmisi, James Yap, Ed Daquioag, Mark Borboran, Norbert Torres, Beau Belga at Kris Rosales.
Ipantatapat naman ni Blackwater coach Bong Ramos sina Michael Vincent Digreorio, Roi Sumang Abu Tratter, Mike Cortez, Rey Mark Belo, Al-len Maliksi at rookie Paul Desiderio.
Samantala, tiyak na hindi magbibigayan ang Meralco at TNT dahil kapwa sila determinadong manalo.
Lamang si Meralco coach Norman Black kay rookie mentor Ferdinand ‘Bong’ Ravena dahil ang una ay isang champion coach at maraming beses nang sumabak sa finals.
Ang opensiba ng Bolts ay pangungunahan nina Chris Newsome, Cliff Hodge, Jared Dillinger, Reynel Hugnatan, Amer Baser at Ranidel de Ocampo, habang sasandal ang Texters kina Jayson Castro, Troy Rosario, Kelly Williams, Roger Pogoy, Ryan Reyes at Jericho Cruz. CLYDE MARIANO
Comments are closed.