Mga laro ngayon:
(Dasmarinas, Cavite)
5 p.m. – San Miguel vs Ginebra
7:30 p.m. – Rain or Shine vs TNT
WALANG plano ang TNT na magkampante kontra Rain or Shine.
Sa kabila ng 2-0 lead sa kanilang PBA Governors’ Cup semifinal series, hinikayat ni coach Chot Reyes ang Tropang Giga na patuloy na maglagay ng pressure sa Elasto Painters lalo na matapos ang kanilang 108-91 pagkatalo sa Game 2 noong Biyernes sa Araneta Coliseum.
“We can’t take our foot off the pedal,” pahayag ni Reyes matapos ang 17-point blowout. “It’s nice to be up 2-0, but it takes four (wins) to get to the next stage.”
Si Rondae Hollis-Jefferson, ang Jordan national basketball team naturalized player, ay patuloy na nagiging tinik sa panig ng Rain or Shine dahil ang reigning Best Import ay may average na 24.5 points, 10.5 points, at 5.5 assists para sa defending champion, na dalawang panalo na lamang para umabante sa finals.
Ang Game 3 ng TNT-RoS series ang main game ng Sunday doubleheader sa Dasmarinas City Arena sa Cavite na nakatakda sa alas-7:30 ng gabi.
Sa unang laro sa alas-5 ng hapon ay babasagin ng San Miguel at Barangay Ginebra ang 1-1 pagtatabla sa kanilang sariling best-of-seven semis.
Rumesbak ang Beermen sa Kings sa likod ng 131-125 overtime victory sa Game 2.
Nagbuhos si import EJ Anosike ng 35 points para sa Beermen at nagdagdag si CJ Perez ng 28, kabilang ang clutch four-point shot sa regulation period.
Subalit si veteran gunner Terrence Romeo ang nagbigay sa San Miguel ng malaking kaluwagan sa pag-iskor ng 9 points sa extra period, kabilang ang pitong sunod na puntos, tampok ang malaking four-point shot upang bigyan ang kanyang koponan ng 121-117 kalamangan.
Ang guard mula sa Far Eastern University ay tumapos na may 26 points at perfect 5-of-5 mula sa long distance.
Tinukoy ni Barangay Ginebra coach Tim Cone si Romeo bilang difference maker sa tightly-fought contest.
“We let Romeo get away in overtime. We just didn’t cover him well enough. That’s the story of the game,” sabi ni Cone.
Ang San Miguel ay nakakuha rin ng monster game mula kay eighth-time MVP June Mar Fajardo, na nakalikom ng 23 points at 21 rebounds.
Ang Barangay Ginebra ay pinangunahan ni Justin Brownlee na may all-around game na 39 points, 5 rebounds, at 7 assists habang pinangunahan ang malakas na fourth quarter comeback ng Kings, na humabol mula sa 13-point deficit. CLYDE MARIANO