Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Rain or Shine vs San Miguel
7:30 p.m. – Ginebra vs Meralco
SASALANG ang Barangay Ginebra sa kanilang huling laro ngayong Biyernes bago ang All-Star party, laban sa old rival Meralco sa PBA Season 48 Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Ang Gin Kings ay unbeaten sa dalawang laro sa season-ending tourney subalit iginiit na marami pa silang dapat gawin, at kailangang magkaroon ng balanse lalo na sa pagkawala ni Scottie Thompson.
Nakatakda ang salpukan ng Gin Kings at Bolts sa 7:30 p.m. mainer, kung saan target ng tropa ni coach Tim Cone ang ikatlong sunod na panalo bago magtungo ang PBA delegation sa Bacolod para sa 2024 PBA All-Star Weekend.
Si Cone ay magbabalik para sa isa pang All-Star coaching job, kung saan gagabayan niya ang Team Japeth Aguilar na tatampukan ng limang Ginebra players sa katauhan nina Aguilar, Christian Standhardinger, Jamie Malonzo, Maverick Ahanmisi at Stanley Pringle.
Si injury-hit Thompson ay nasa lineup din.
Isa pang Ginebra player — John Pinto — ang nakasama sa Mark Barroca team na nasa ilalim ni coach Jorge Gallent.
Subalit sa ngayon, ang pokus ng Ginebra ay sa Meralco sa pagsisikap nilang mapanatili ang momentum, lalo na’t ang susunod nila ay ang Manila Classico versus Magnolia sa March 31 sa Big Dome.
Ang tropa ni Cone ay galing sa back-to-back wins kontra Rain or Shine at Phoenix Super LPG habang umaasa ang Meralco side na maputol ang two-game slump.
Nalasap ni coach Luigi Trillo at ng kanyang Bolts ang 96-93 upset sa Blackwater bago bumawi sa 121-117 decision kontra Rain or Shine, pagkatapos ay natalo sa kanilang sumunod na dalawang laro sa NLEX, 99-96, at NorthPort, 90-85.
Ang Bolts ay lumaban sa lahat ng kanilang tatlong talo, subalit tumukod sa huli.
Wala namang planong magkampante ang Kings dahil batid nila kung gaano kapanganib ang Meralco.
Ang All-Star players sa Meralco squad ay sina Chris Newsome at Cliff Hodge.
Sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon ay magsasagupa ang Rain or Shine at San Miguel Beer.
Umaasa ang Elasto Painters na makakapasok na sa win column matapos ang tatlong pagtatangka.
CLYDE MARIANO