3-1 TARGET NG GINEBRA

Laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
5:45 p.m. – Ginebra vs Bay Area
Game 3, Ginebra abante sa 2-1

MAGINHAWA at nasa kanila ang momentum sa panalo sa Game 3, 89-82, na nagbigay sa kanila ng 2-1 bentahe sa best-of-seven title series, tatangkain ng Barangay Ginebra ang ikalawang sunod na panalo at lumapit sa korona sa PBA Commissioner’s Cup na huli nilang hinawakan noong 2018, kontra guest team Bay Area sa Game 4 ngayong Biyernes sa Mall of Asia Arena.

Nakatakda ang laro ng Gin Kings at ng Hong Kong-based team sa alas-5:45 ng hapon.

Inaasahang magiging kapana-panabik at hitik sa aksiyon ang salpukan ng dalawang magkatunggali sa harap ng libo-libong fans.

Muling ipinakita ng Kings ang pamosong “never-say-die” spirit nang maitakas ang come-from-behind win kontra Dragons at pigilan ang guest team na kunin ang bentahe at llagay ang Ginebra sa maselang kalagayan sa kanilang hangaring mabawi ang korona.

Sa kabila na nasa kanila ang momentum ay hindi pa rin nagkumpiyansa si coach Tim Cone. Pinagsabihan at pinaalalahanan niya ang kanyang tropa na maglaro nang husto para masiguro ang panalo.

“The title series is far from over. The best-of-seven series is halfway mark. It’s a long way to go. We have to play superior game to ensure victory. We have to sharpen our offense and toughen our defense because our championship rival is determined to bounce back and even the series,” sabi ni Cone.

Target ni Cone ang ika-26 PBA title mula 1996 kasama ang dalawang grandslam sa Alaska noong 1999 at 2014.

Muling sasandal ang Kings kina Justin Brownlee, LA Tenorio, Scottie Thompson, Jamie Malonso, Japeth Aguilar, Christian Standhardinger at Stanley Pringle.

Nagbuhos si Brownlee ng 34 points, 17 rebounds, 4 assists at 3 steals.

Puntirya ng 34-anyos na resident import ang ika-6 na PBA title at ika-4 na Best Import award.

Desperado si American native Australian coach Brian Goorjian na manalo at maitabla ang serye at palakasin ang kanilang title campaign, at maging pangatlong foreign team na nag-champion sa PBA.

Magugunitang dinala ni Goorjian ang Australia sa bronze medal finish sa Tokyo Olympics.

Sasandal ang Dragons kina Canadian NBA veteran Andrew Nicholson, Kobey Ketavong Lam, Zhu Songwei, Hayden Joel Blankley, Duncan Reid, at 7-foot-5 Liu Chuanxing.

Nalimitahan si Nicholson sa 23 points sa mahigpit na bantay nina Japeth Aguilar. Jamie Malonso, at Aljon ­Mariano.

CLYDE MARIANO