MAGPAPAUTANG ang Asian Development Bank (ADB) sa Filipinas ng hanggang $3.3 billion ngayong taon.
Sa isang forum sa Foreign Correspondents Association of the Philippines (Focap), sinabi ni ADB president Takehiko Nakao na ang Manila-based multilateral lender ay dating nagpapautang sa bansa ng $1 billion kada taon, subalit itataas ito sa average na $2.5 billion kada taon.
Kabilang sa mga proyekto na tutustusan ng ADB ay ang Malolos-Clark International Airport segment ng Philippine National Railways (PNR) North 2 project, na kalaunan ay ie-extend sa New Clark City sa Tarlac.
Popondohan din ng ADB, kasama ang Japan International Cooperation Agency (Jica), ang massive North-South Commuter Railway (NSCR) Sys-tem na paaabutin sa Calamba, Laguna.
Ayon kay Nakao, ang ADB component na sumasakop sa civil works ng multi-year loan para sa Malolos-Clark railway ay magkakahalaga ng halos $3 billion, kung saan ang $1.3 billion ay ipinangakong aaprubahan ngayong taon.
Magpapautang din ang ADB ng $300 million upang suportahan ang isang proyekto sa sektor ng edukasyon, bukod sa $200 million na project preparation technical assistance loans para sa ‘Build Build Build’ infrastructure program ng administrasyong Duterte.
Sa ilalim ng ‘BBB’, ang pamahalaan ay maglalatag ng 75 ‘game-changing’ flagship projects, kung saan 25 ang inaasahang matatapos sa termino ni Pangulong Duterte.
Comments are closed.