3.3M PINOY NAWALAN NG TRABAHO SA GITNA NG PANDEMYA

Silvestre Bello III

PUMALO sa 3.3 milyon at nadaragdagan pa ang bilang ng mga Pinoy na naging jobless sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Ang naturang bilang ay taliwas sa datos ng Social Weather Stations (SWS) kamakailan na umabot sa 45.5 percent ang adult joblessness rate sa bansa o katumbas ng 27.3 milyong indibidwal na walang trabaho.

“Kami naman we don’t dispute that because that is a survey. Sa amin kasi we base our figures on the submissions of all employers na nag-submit sa amin ng numbers at names ng employees na tinanggal sa trabaho,” sabi ni Bello.

“Sa amin, mas accurate kasi nandiyan number na ibinigay ng employer, nandiyan mga pangalan. Alam namin ilan nawalan ng trabaho,” dagdag pa ni Bello.

Ipinaliwanag pa ng kalihim na may mga permanenteng nawalan ng trabaho habang ang iba ay pansamantala lamang at mayroon ding binawasan na lamang ang working hours sa halip na tanggalin sa trabaho.

Tiniyak naman niya na mabibigyan ng ayuda ang mga nawalan ng trabaho sa ilalim ng inaprubahang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

“The moment mapirmahan ng ating Pangulo iyong Bayanihan to Heal as One part 2 mayroon na kaming additional budget, this will be the budget doon sa program namin, unang-una ‘yung CAMP o COVID Adjustment Measure Program, magbibigay kami ng cash assistance for all formal workers na mawalan ng trabaho,” aniya.

Comments are closed.