INILATAG ni Senadora Grace Poe sa plenaryo ang pag-aruba sa panukalang batas na magdurugtong sa buhay ng mga negosyo at magsasalba sa tatlo’t kalahating milyong trabaho sa bansa.
Sa kanyang sponsorship speech para sa Committee Report No. 116 ng Senate Bill No. 1849 o ang panukalang Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) Act, sinabi ni Poe na ang batas na ito ay isang maagap na pagsagot sa epekto ng COVID-19 pandemic sa mga bangko at iba pang pinansiyal na institusyon na matutulungang magdispatsa sa ‘di nababayarang mga utang sa kanila (bad debts) o non-performing asset.
“Sa pagtaya ng NEDA, ang panukalang batas na ito ay posibleng magbunga ng P1.19 trilyong halaga ng mga non-performing asset kung maibebenta ang mga ito sa management companies na tinatawag nating FIST corporations. Ang halagang ito ay makatutulong sa humigit-kumulang 600,000 micro, small at medium enterprises (MSMEs) at magsasalba sa mahigit 3.5 milyong mga trabaho,” sabi ni Poe, chairman ng Senate committee on banks, financial institutions at currencies.
Idinagdag ni Poe na ang nasabing halaga ay nakapaloob sa ibinigay na datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kaugnay sa pagtataya ng sektor ng bangko na kinakatawan ng Bankers Association of the Philippines (BAP) sa nakaraang mga pagdinig.
“Ang misyon ng batas na ito ay tulungan ang mga bangko na manatiling nakalutang sa gitna ng krisis. Bago sila makatulong sa mga MSMEs, kailangan din muna nila ng tulong,” giit ng senadora.
Bagama’t tiniyak ng gobernador ng BSP sa mga naunang pagdinig na may sapat na sandigan ang banking system ng bansa laban sa krisis, may limitasyon din ang kakayahan nito na tumanggap ng mga peligrosong transaksiyon.
“May hangganan ang utang na kayang pasanin ng mga bangko. Ang agarang pagpapatibay ng batas na ito ay magbibigay ng dagdag na kumpiyansa sa mga investor at depositor at lulusaw sa masamang epekto ng krisis,” aniya.
“Huwag na nating hintayin pa kung ano ang susunod na mangyayari sa krisis na ito. Sa halip, gumawa na tayo ng mga hakbang para paghandaan ang mas masamang posibilidad. May ideya naman tayo kung ano pa ang darating. Mabuti nang handa kung sakaling kakailanganin,” dagdag ni Poe.
Sinabi rin ng senadora na ang panukalang batas ay mas mainam na bersiyon ng Special Purpose Vehicle (SPV) Act of 2002 na pinagtibay noon bilang tugon sa Asian financial crisis.
“Mas mainam dahil pinag-uusapan na natin ito ngayon, mga limang taon bago pa natin madama ang buong epekto ng krisis,” sabi pa niya.
Ang mga institusyong sakop ng SPV law ay pinalawak pa ng kasalukuyang panukalang batas at kabibilangan ng mga lending companies at iba pang ahensiya na binigyan ng BSP ng karapatang magpautang.
“Ang mga lending companies ang siyang nangunguna sa pagpapautang sa mga MSMEs kaya naman kailangan matulungang silang maayos ang kanilang mga balance sheet,” sabi ni Poe.
Isinasaad din ng bill ang mas mahabang applicability period para sa mga asset na naging non-performing na hanggang Disyembre 31, 2021. VICKY CERVALES
Comments are closed.