PINAYAGAN na ng pamahalaang lokal ng Makati ang IRC Properties Inc. na ituloy ang planong $3.7-billion subway project.
Sa regulatory filing na isinumite ni accounting manager Keinth Roger Castillo kahapon, sinabi ng IRC na natanggap nito ang kinakailangang requirements mula sa Public-Private Partnership (PPP) Center at sa pamahalaang lungsod upang ipagpatuloy ang Makati Subway System.
“The company received today from PPP Selection Committee of Makati City Government a Notice of Award for the construction and operation of the Makati Subway System to be implemented through a joint venture agreement,” ayon sa kompanya.
“The project has been awarded to the original proponent, IRC Properties Inc., as the lead proponent of a consortium.”
Nauna rito ay nagsumite ang IRC ng unsolicited proposal para sa $3.7-billion project na naglalayong magkaloob ng intracity rail transport system sa Makati City.
Sa ilalim ng panukala, ang consortium ay magtatayo, mag-ooperate at magmamantina ng 11-kilometer intracity subway mass rail transport system na may hanggang 10 stations na magkokonekta sa key points sa dalawang distrito ng Makati. Walang gagastusin ang pamahalaang lungsod sa proyekto.
Ang mass rail system ay inaasahang makakapag-accommodate ng 700,000 pasahero kada araw at iuugnay sa Metro Rail Transit at sa Pasig River Ferry, gayundin sa inaasahang Metro Manila Subway.
Ilang kompanya na ang nagpahayag ng kanilang intensiyon na maging bahagi ng IRC consortium, kabilang ang Greenland Holdings, Jiangsu Provincial Construction Group, Kwan On Holdings, MingTu Investment Holdings, at China Harbour Engineer-ing Construction Ltd.
Sa hiwalay na filing, sinabi ng IRC na nakalikom ito ng halos P5 billion mula sa stock subscriptions ng Aggregate Business Group Holdings Inc. at Auspicious One-Belt-One-Road Fund.
Comments are closed.