CAVITE – Tatlong kawatan na sinasabing miyembro ng notoryus na Akyat-Bahay Gang ang nasakote ng mga awtoridad makaraang makumpiskahan ng P125k cash na kanilang sinikwat sa bahay ng retiradong DepEd supervisor sa bahagi ng Santa Cecilla II Subd., Brgy. Julugan 8 sa bayan ng Tanza, Cavite kamakalawa.
Pormal na kinasuhan ng pulisya ang mga suspek na sina Salvador Jonas y Badaje, 21; Jeffrey Salvador y Daan, 21, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay; at si Reymart Rempilo y Escorido, 19, ng Barangay Tua, Magallanes, Cavite.
Base sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, bandang alas-4 ng madaling araw nang akyatin ng mga suspek ang bahay ng 66-anyos na si Rodolfo Cruz.
Nabatid na winasak ng mga suspek sa pamamagitan ng iron bar ang main door ng bahay ng biktima.
Tinangay ng mga suspek ang safety vault na naglalaman ng malaking halaga na pag-aari ng biktima subalit lingid sa kaalaman ng tatlo ay namataan at sinundan sila ng dalawang kapitbahay ng matanda.
Dito na nasakote ang mga suspek makaraang makipag-ugnayan sa pulisya ang dalawang kapitbahay ni Cruz na sina Eliaquem Obsioman at Edgardo Gomez.
Narekober naman ng biktima ang safety vault na naglalaman ng P125k cash habang nakakulong ang mga suspek na na-haharap sa kasong robbery. MHAR BASCO
Comments are closed.