(3 alkalde ng Laguna nagkasundo) PAGSANJAN FALLS PAGAGANDAHIN

LAGUNA- NAGKASUNDO ang tatlong pangunahing Alkalde ng mga bayan ng Pagsanjan, Cavinti at Lumban sa lalawigang ito para mas lalong mapangalagaan at mapaganda ang Cavinti Falls na mas kilala sa tawag na Pagsanjan Falls.

Ito ang nabuong kasunduan sa pagitan nina Cavinti Mayor Arrantlee Arroyo, Lumban Mayor Rolando Ubatay at Mayor Cesar Arreza ng Pagsanjan sa isinagawang tripartite agreement nitong Linggo sa Convention hall, Pagsanjan, Laguna.

Ayon kay Mayor Arroyo, mas uunlad at gaganda ang takbo ng turismo sa tatlong bayan kung mapangangalagaan ang paligid ng talon at ang malaking ilog na na bumabaybay sa bayan ng Pagsanjan at Lumban kung saan dumadaloy ang rumaragasang tubig patungo sa Laguna de Bay .

Sinabi naman ni Mayor Ubatay na tutugon ang kaniyang pamahalaang bayan sa mungkahi para lalong dayuhin ng mga lokal at international tourists ang napakalawak na ilog na sentro ng mga shooting ng mga pelikula mula pa sa ibang bansa.

Dumalo rin sa nasabing agreement sina Laguna Governor Ramil Hernandez, Department of Tourism Secretary Maria Esperanza Christina Garcia Frasco at mga opisyal ng Sangguniang bayan.

Sa naturang pagpupulong, napagkasunduan ng tatlong chief executives ang paglalaan ng tig- P300K bilang paghahanda sa promotion at iba pang uri ng advertisement para makahikayat ng mas marami pang turista na magtutungo sa nasabing Falls.
ARMAN CAMBE