BULACAN-TATLONG bata ang nasa kritikal na kondisyon samantalang sugatan naman ang 65-anyos na lola ng mga ito nang ma-trap sa loob ng nasusunog na bahay na biglang sumiklab dulot ng napaglaruang lighter na tumupok sa labing-isang bahay sa Barangay Biniang 1st, Bocaue kamakalawa ng hapon.
Sa inisyal na report ng Bocaue Fire Station, bahagyang nasugatan at nagtamo ng first degree burn ang lola habang ang tatlo nitong apo na dalawa dito ay 2-taong gulang at isang taong gulang ay nagtamo ng 2nd degree burns habang 70 porsiyento ng katawan ng mga biktimang paslit ay nalapnos at kaagad isinugod sa Bulacan Medical Center-Malolos City.
Nabatid na pasado alas-4 ng hapon nitong Miyerkules nang sumiklab ang sunog isang bahay sa Barangay Biniang 1st, Bocaue na kung saan nasa loob nito ang tatlong paslit subalit bago tuluyang lamunin ng apoy ang tinitirhan ng mga ito ay naisalba sila ng kanilang lola at mga residente sa lugar.
Tumagal ang sunog ng isang oras at kalahati bago tuluyang naapula na tumupok sa labing-isang bahay habang hinala ng fire probers ay nagmula sa pinaglaruang lighter na mabilis na kumalat dahil gawa sa light materials ang bahay at hindi pa alam ang kabuuang halaga ng pinsala ng sunog.
Patuloy namang inoobserbahan ang mga bata sa pagamutan na nasa kritikal ang kalagayan ng mga ito bagaman mabilis itong naisugod ng Bocaue Rescue sa pagamutan. MARIVIC RAGUDOS