TODO suporta ang city government ng Maynila sa panawagan ni President Rodrigo Duterte at ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa mas pinaigting na mass vaccination kung saan nag- assign ng kabuuang 75 sites sa lungsod upang makiisa sa 3-day National Vaccination Day simula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
Maagang pinasalamatan at pinuri ni Moreno sina Vice Mayor Honey Lacuna, na isang doktora at ang Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Poks Pangan dahil sila ang pisikal na mamamahala sa hakbang na ito ng nat’l gov’t na mabakunahan ang lahat ng wala pang bakuna sa tatlong araw na nabanggit.
“Makikisa po ang inyong pamahalaang-lungsod ng Maynila sa panawagan ni Pangulong Duterte at IATFs na tayo ay magbayanihan sa bakunahan, sa ating National Vaccination Day. To those who remain unvaccinated, whether Manilans or non-Manilans, please visit our vaccination sites,” ayon sa pamahalaang lokal ng lungsod.
Bilang tugon sa panawagan ni Duterte at ng IATF na pabilisin at paigtingin ang vaccination sa bansa, nagtakda ng 18 community sites (para sa first at second dose ng Pfizer ng mga minors na edad 12 – 17 at lahat ng brands para sa booster shots ng mga health frontliners, seniors citizens at persons with specific comorbidities); apat na shopping malls (second dose para sa eligible minors); anim na city-run hospitals (first at second dose para sa eligible minors, first dose para sa A1 hanggang A5 categories, lahat ng brands at booster para sa A1, A2 at A3, lahat ng brands).
Tatlong private schools ang gagamitin din sa administration ng first dose para sa eligible minors, ito ay ang Manila Cathedral School, Holy Child Catholic School at La Consolacion College, Manila bukod pa sa 44 health centers na nakakalat sa mga pamayanan sa anim na distrito ng Maynila.
Muli ay iginiit na paiiralin ang ‘open policy’ sa mass inoculation sa Maynila kung saan ay welcome ang lahat na mabakunahan kahit hindi residente ng lungsod.
Samantala, inanunsyo din ang latest batch ng pinakabagong anti-COVID medicines na inorder noong isang buwan ay dumating na nitong weekend.
Ang 6,600 tablets ng Baricitinib para sa moderate hanggang severe cases at tulad ng iba pang anti-COVID drugs na binili ng lungsod ay ipamimigay ng libre sa lahat ng may kailangan maging residente man o hindi ng Maynila.
Bago ang Baricitinib at Molnupiravir, ang local government ng Maynila ay namigay na rin ng libreng Remdesivir at Tocilizumab sa mga pasyenteng may COVID sa loob at labas ng lungsod. Ang life-saving medicines na ito ay mahal at mahirap hanapin.
Ang tanging requirements lang para makatanggap ng libreng gamot ay doctor’s prescription , RT-PCR positive result at photocopy ng valid ID ng pasyente o ng kanyang representative. VERLIN RUIZ