3 ARBOS NAKATANGGAP NG P2-M PAUTANG MULA SA DAR PARA PALAKASIN ANG PRODUKSIYON NG PALAY

TATLONG Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) sa lalawigan ng La Union ang nakatanggap ng P2 milyong pautang mula sa Department of Agrarian Reform (DAR).

Ayon kay DAR Sec. Conrad Estrella III, ang naturang pautang ay nagmula sa Accessible Loans for Empowered, Resilient, and Transformed Agrarian Reform Beneficiaries Organization (ALERT ARBO) Program ng ahensiya.

 Layunin ng pautang na suportahan ang mga pagsusumikap sa produksiyon ng palay ng 54 agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa mga organisasyong ito.

Ang programang ito, na isang kolaborasyon sa pagitan ng DAR, Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Landbank of the Philippines (LANDBANK), at Agricultural Credit Policy Council (ACPC), ay idinisenyo upang magbigay ng abot-kaya at napapanahong tulong pinansiyal sa mga ARBO at kanilang mga miyembro. Layon nitong mapahusay ang kanilang mga kasanayan sa pagsasaka at mapataas ang kita ng kanilang mga pamilya.

Sa 54 na ARB, 29 ang miyembro ng Sinapangan Sur Farmers Agricultural Multi-Purpose Cooperative, 13 ay mula sa Macalva Neighborhood Investment Multi-Purpose Cooperative, at 12 ay miyembro ng Gu­sing Sur Agrarian Reform Cooperative.

Pangunahing popondohan ng tulong pinansyal ang mga aktibidad sa produksiyon ng palay ng mga ARB.

Bukod sa pautang, nagsagawa rin ang DAR ng mga pagsasanay sa pagpapalakas ng kakayahan para sa mga nabigyan ng tulong na ARBO na nakatuon sa kaalaman sa pananalapi, pagbuo ng patakaran sa pagpapautang, at pamamahala sa mga panganib. Mahalagang bahagi ng mga pagsasanay ang pagpapabuti ng kakayahan ng mga benepisyaryo sa pangangasiwa ng pondo.

Nag-aalok din ang ALERT ARBO Program ng mga suportang serbisyo sa kredito tulad ng insu­rance sa agrikultura, tulong teknikal, pagpapalakas ng kakayahan, at tulong sa pamimili upang higit na bigyang kapangyarihan ang mga ARBO at gawing mas matatag laban sa mga hamong pang-ekonomiya at pangkalikasan.

MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA