CALABARZON- SA pagpapatupad ng COMELEC gun ban na nagsimula nitong Lunes kaugnay sa paparating Barangay at SK Election 2023, tatlo katao kaagad ang naaresto sa Cavite,Laguna at Quezon matapos na mahulihan ng baril.
Base sa mga report na ipinadala kay Regional Office 4A- Calabarzon Regional Director BGen. Carlito Gaces unang naaresto si Melquiades Salva Quieta habang sakay ng kanyang motorsiklo sa COMELEC Checkpoint sa Trece Martires, Cavite dakong alas-10:45 ng umaga na nakunan ng isang caliber 40 pistol glock 22 at mga bala.
Sa report naman ng LPPO, dakong alas-12:50 ng tanghali nang arestuhin si Efren Robiso matapos na walang habas na magpaputok ng baril sa Brgy. Poblacion 1, Alaminos, Laguna.
Hinuli ito ng mga awtoridad makaraang ireklamo ng isang residente na tinamaan ng bala ang bahay at narekober sa suspek ang isang caliber 38 revolver na ginamit nito sa pagpapaputok.
Samantala, sa report naman ni QPPO PD Col Ledon D Monte bandang ala-1:40 ng hapon nang arestuhin ng mga tauhan ng Macalelon Police Station ang laborer na si Jayson Bulfane, 37- anyos, residente ng Barangay Lipuhan, Lopez, Quezon makaraang pagbantaang babarilin nito ang isang tindera na tumangging makipag-inuman sa kanya.
Natuklasan na isang replika ng Glock 18 na may mga bolitas na bala ang dala-dala ng suspek.
Kasong illegal Possession of Firearms in relation to Election gun ban ang isinampa laban kay Quieta samantalang Grave Threats at Violation of COMELEC gun ban kay Bulfane at Illegal discharge of firearm at paglabag sa RA 10591 in relation to Rule ll Sec 2 ng Comelec Resolution 10918 o ng Omnibus Election Code ang isasampa naman kay Robiso. BONG RIVERA