BATANGAS- DINAKIP ng mga awtoridad ang tatlong indibidwal matapos na makumpiskahan ng mga armas sa ikinasang Oplan Sita sa Barangay Poblacion, Rosario sa lalawigang ito kahapon ng madaling araw.
Kinilala ng Rosario police station ang mga suspek na sina Marvel Mendoza, 50 anyos; Edwin Dagli, 47-anyos, pawang residente ng nabanggit na bayan at Antonio Gabia, 69-anyos at residente ng Lobo, Batangas.
Sa pahayag ni BGen Jose Melencio Nartatez, Calabarzon PNP director, dakong ala-1:45 ng madaling araw nang sitahin ng mga nagpapatrulyang mga pulis ang tatlo sakay sa dalawang motorsiklo na may mga dalang sling bag.
Matapos patigilin ng patrol ang dalawang motorsiklo, agad na tinanong ang laman ng dala nilang bag at inamin naman ng isa sa mga suspek na baril ang laman ng bag.
Agad silang dinakip nang walang maipakitang kaukulang papeles ang mga ito.
Nakumpiska mula sa tatlo ang tatlong kalibre .45 revolver, magazine at mga bala.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Rosario police station ang mga suspek at nahaharap sa paglabag sa R.A. 10591 o ang illegal possession of firearms and ammunition. ARMAN CAMBE