3 ARESTADO SA P1.7-M SHABU

NASAKOTE ng mga tauhan ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PDEG) ang tatlo katao kasabay ng pagkakakumpiska ng iligal na droga na umaabot sa halagang P1.7 milyon sa Brgy. North Signa, lungsod ng Taguig.

Batay sa report na nakarating sa tanggapan ni PDEG Acting Director Police Colonel Dionisio Bartolome Jr. ang mga nasakote ay nakilalang sina Mark Christian Saldo, Woody Castro dela Cruz at Charlie Corpuz.

Nasakote ang mga naturang suspek matapos ang isinagawang operasyon ng pulisya katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Brgy. North Signal sa Taguig City.

Nakuha sa pinangyarihan ng operasyon ang naturang bulto ng shabu na tumitimbang ng humigit kumulang sa 250 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.7 milyong at P1,000 na ginamit bilang boodle money at isang sling bag.

Agad na dinala ang mga suspek at mga ebidensya sa Special Operations Unit (SOU) ng PDEG para sa kaukulang documentation habang dinala naman sa Regional Forensic Unit 4A sa Calamba City sa Laguna ang mga nasamsam na iligal na droga.
EVELYN GARCIA