CAVITE – TATLONG katao ang sinasabing smuggler ng one of the most endangered animals in the world ang nasakote ng mga awtoridad makaraang makumpiskahan ng 10 Pangolins (Balintong) sa loob ng kanilang van sa Barangay Mendez Crossing Est sa Tagaytay City, Cavite kahapon ng madaling araw.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act) ang mga suspek na sina Simforoso Salazar y Cauntay, 53, driver ng K115 Dalisay, bayan ng Calatagan, Batangas; Jordan Torrequimada y Libirtino, 39; at si Victor Equisa y Cabuniag, 40, fisherman, kapwa nakatira sa P. Mabuhay Abaroan, bayan ng Roxas, Palawan.
Base sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na bandang ala-1:30 ng madaling araw nang masabat ang mga suspek na lulan ng Toyota van na may plakang TSE-540 sa itinayong checkpoint (Oplan Sita) ng pulisya.
Gayunman, nang inspeksiyunin ng mga operatiba ng pulisya ang compartment ng van ay lumantad ang 10 Pangolins na tinaguriang Manis Culionensis na kinokonsiderang most illegally trade mammal in the world.
Ayon sa pulisya, ipupuslit sana ng mga suspek ang kontrabando patungong China Town sa Manila subalit nasukol ng mga awtoridad sa checkpoint.
Nakipag-ugnayan na ang pulisya sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources para sa kaukulang kasong kriminal na isasampa laban sa mga suspek habang dinala sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang 10 Pangolins. MHAR BASCO
Comments are closed.