NEGROS OCCIDENTAL – MULI na namang nakapagtala ng tatlong ash emission events ang Kanlaon Volcano nitong Linggo, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa kanilang ulat, sinabi ng PHIVOLCS na ang tatlong ash emission events ay tumagal mula 10 hanggang 12 minuto na mas mataas ang bilang ng mga kaganapan sa pagbuga ng abo kumpara sa dalawang insidente na naitala noong Sabado.
May kabuuang 25 volcanic earthquakes ang naiulat sa Kanlaon Volcano na mas mataas din kumpara sa 11 na naitala noong Sabado.
Ang bulkan ay nagbuga ng 3,010 toneladang sulfur dioxide gas noong Linggo.
Isang napakalaking pagbuga ng mga abo na umaabot hanggang 800 metro ang taas at isang tuluy-tuloy na pag-degas na may paminsan-minsang paglabas ng abo ay naobserbahan mula sa bulkan, na naanod sa timog-silangan na direksyon.
EVELYN GARCIA